Kasaysayan at diwa ng Buwan ng Wika

Rappler.com

Posted: 21 Aug 2017

MANILA, Pilipinas – Ginugunita ng Pilipinas ang Buwan ng Wika tuwing Agosto. Puno ng iba’t ibang aktibidad ang buwan bilang pagsaludo sa wikang Filipino at sa pagmamahal sa bansa.

Kaakibat ng pagdiriwang na ito ang pagbalik-tanaw sa kasaysayan ng pambansang wika at ang mga hakbang upang itaguyod at paunlarin ito.

Pagbuo ng pambansang wika

Ang pagbuo ng isang pambansang wika upang mapagkaisa ang buong bansa ay mithiing nagsimula noong 1935, sa panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon.

Sa Konstitusyon noong taong iyon, iniatas sa Kongreso ang “magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.”

Napili ang Tagalog bilang batayan. Kalaunan, naiproklama ang wikang pambansang Pilipino sa pamamagitan ng Batas Komonwelt Bilang 570, na nagkabisa noong 1946. Noong 1959 lamang ito opisyal na tinawag na Pilipino.

Upang maisaalang-alang ang iba pang mga katutubong wika, ang wikang pambansa ay pinaunlad muli simula noong 1973, at ito ay makikilala bilang wikang Filipino.

Opisyal na idineklara ang Filipino at Ingles bilang mga wikang pambansa sa Saligang Batas ng 1987.

Kasaysayan ng pagdiriwang

Si Pangulong Sergio Osmeña ang unang nagdeklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Mula 1946 hanggang 1954, ito ay ginugunita mula ika-27 ng Marso hanggang ika-2 ng Abril, alinsunod sa Proklamasyon Bilang 35. Pinili ang Abril 2 dahil ito ang kaarawan ng kilalang Tagalog na manunulat na si Francisco Balagtas.

Ito ay iniusog sa ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1954. Sa sumunod na taon, noong 1955, inilipat ni Pangulong Magsaysay ang selebrasyon sa ika-13 hanggang ika-19 ng Agosto, sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 186.

Bakit Agosto? Ayon kay Pangulong Magsaysay, ang orihinal na Linggo ng Wika ay nagaganap tuwing bakasyon ng mga estudyante, kaya hindi naisasama ang mga paaralan sa pagdiriwang nito. Samantala, ang huling araw naman ay gugunitain sa kaarawan ni Pangulong Quezon, ang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa.

Noong 1988, pinirmahan ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Bilang 19, na nagpatibay ng selebrasyon ng Linggo ng Wika sa Agosto 13-19.

Makalipas ang halos isang dekada, noong 1997, sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1041, idineklara ni Pangulong Fidel Ramos na ang selebrasyon ng Wikang Filipino ay magaganap na sa buong buwan ng Agosto. (BASAHIN: Buwan ng Wika or Linggo ng Wika: What do we celebrate?)

Paggunita sa Buwan ng Wika

Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang punong abala sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Ngayong 2017, pinili ng KWF na tema ng Buwan ng Wika ang Filipino bilang “wikang mapagbago.”

“Bilang wikang pambansa ng Filipinas, ang pagbabagong ito ay nakasandig sa tatlong halagahan na pinagsisikapan ng KWF na maipalaganap sa buong Filipinas: ang Filipino bilang wika ng kaisahan, kaunlaran, at karunungan,” sabi ng KWF sa isang pahayag.

Ang tatlong halagahang ito ay naging tema rin ng KWF noong mga nakaraang taon: Wika ng Pagkakaisa noong 2014, Wika ng Pambansang Kaunlaran noong 2015, at Wika ng Karunungan noong 2016. – Rappler.com

Sina Kaela Malig at Gari Acolola ay interns ng Rappler.

Sanggunian: Komisyon sa Wikang Filipino, National Commission for Culture and the Arts, “Honoring our language, Remembering our heroes” ni Ching Pangilinan sa SunStar Pampanga