Vancouver, B.C.
Mamamalimos ka? Mahiya ka naman sa mga kapwa Filipino!”
“Ano? Magba-busk ka ng Beatles na kanta sa kalye ng Vancouver?” Ang tingin niya sa akin ay parang tingin na nahihibang ka. Pagkaraan ng ilang sandali ay tumawa siya pahiwatig na hindi siya naniniwala dahil biro lamang ito. Siguro’y hindi niya mawari na akong mahiyain ay lalantad sa kalye ng Vancouver para umamot ng donasyon sa pagkanta ng mga Beatles songs.
“Bakit hindi!” Sagot ko. May nakita nga akong isang Intsik na nagba-busk gamit ang isang tradisyonal na instrumento na parang biyulin ang tunog, at may mga nagbibigay sa kanya. Maraming mga busker sa downtown, skytrain at Granville Market na kumikita at iyon ang kinabubuhay nila. Yung iba naman ay may pandagdag sa government assistance nila.
“Bakit ka pa kakanta sa harap ng mga tao, pensyonado ka na naman. Hindi mo na kailangan ang extra income.
Mamamalimos ka? Mahiya ka naman sa mga kapuwa Filipino?”
Ako ay mapangarap na tao. Madalas nga lamang ay nahihinto ito sa pangarap, walang realidad. Pero kakaiba ang situwasyon ngayon dahil sa Covid-19, dahil sa pandemya. Sa hirap na nadarama ng lahat, laluna sa Pilipinas, ay kailangan na ang pangarap ay magkaroon ng realidad para maka-ambag sa ikabubuti ng buhay ng mga tao na nakakadanas ng hirap ngayon.
Ako ay active sa Facebook. Doon ko nasusundan ang mga nangyayari sa aming munting bayan ng Mabitac sa
Laguna na kinapanganakan ko. Doon ko nababasa at nakikita sa mga video na pinopost ng mga kababayan ko ang hirap na dinadanas nila ngayong may pandemya.
Nagbuo ako ng isang grupo sa Facebook na pinangalanan kong Katute Super Grand Reunion. {Tungkol dito ay pwede ring maging isang artikulo) Ngayon ay may tatlong daan at limampu nang miyembro na halos lahat ay pinanganak sa Mabitac. Sa pahina ko nalalaman ang pagkawala ng mga trabaho ng mga kababayan ko at doon nila inilalahad ang mga daing dahil sa hirap na dinaranas ng kanilang mga pamilya. Nagugutom sila, kaya may nagsasabi na sila ay suko na dahil hindi na nila malaman ang kanilang gagawin.
Sa pagtigil sa bahay, nakagawian ko bilang isang Katoliko ang mag-tune-in sa programang Word Exposed ni
Cardinal Chito Tagle sa Youtube tuwing Linggo. Narinig kong sinabi niya, “ Whoever loses his life, through Jesus, he will find it.” Banggit pa niya, “ Have gratitude that He allows us to be selfless and giving, that’s one way of finding your life, once lost.”
Naisip ko, anung gratitude, wala namang naibigay sa akin ang mga kababayan ko kung sila ang tutulungan ko. Mula kay Cardinal Chito, narinig ko pa, “Become humble to see the wisdom of God”. Giit pa niya, “Those despised by society, they are the one’s who see the beauty of God”.
Iyon pala yun, sa pagbibigay sa mga kababayan ko, ine-express ko ang gratitude ko sa kabutihan ng Maykapal sa akin.
Sa pakikinig ko kay Cardinal Chito Tagle, na sinasabi nilang pwedeng maging susunod na Papa, nabuo ang inaakala ko’y walang realidad na pangarap na mag-busking sa Vancouver para ang mga perang aking makakalap ay maipamigay sa mga kababayan ko na apektado ng pandemya.
Una, sinanay ko ang mga dati ko nang alam na kanta ng Beatles, gamit ang aking ukulele, na inumpisahan kong kantahin noong nag-aaral pa ako sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila noong 1960’s. Tumutok ako sa Youtube para dagdagan pa ng mga kantang Beatles na hindi ko pa alam. At nakaipon ako nang may dalampu’t lima na kanta. Sobra pa para kumanta nang higit sa isang oras.
Sa Tom Lee, music store sa downtown Vancouver, ay bumili ako ng mike at mike stand. Sa Long and McQuade, naman ay amplifier. Dati na akong may dalawang ukulele na may pick-up, yung isa ay gawa sa Cebu, na binili ko noong mag-bakasyon ako doon. At yung isa naman ay sa Lumanog sa Sta. Mesa.
Dala ang ukulele, sa Queen Elizabeth Park sa Vancouver, doon sa ilalaim ng puno sa Rose Garden ako nag-practice.
Minsan, may nakarinig nang kinakanta ko ang Imagine, ni John Lennon, may lumapit sa akin na Caucasian na may pinakikita sa aking toonie ( Canadian coin na halaga ay dalawang dolyares), saan daw niya ilalagay. Sabi ko hindi naman ako nagba-busking, pero nag-insist siya na tinanggap ko naman. Bakit hindi ay biyaya iyon. Sabi ko sa sarili ko, “Encouragement iyan para ituloy mo ang binababalak mo.” (Itutuloy sa ibang articles)