METROLINX: Isang pinalawak na transit network

MAS MALAWAK NA TRANSPORTASYON.

PARA SA INYONG HINAHARAP.

Ngayong halos palabas na tayo sa panahon ng pandemya, sinimulan na ng Metrolinx ang pagtatayo at patuloy na pagtatatag ng isang pinalawak na transit network na nakasentro sa pangangailangan ng mga pasahero. 

Sa programa nito, mas padadaliin ng ahensiya ng transportasyon ng Ontario ang pagpili ng pasahero ng kanyang masasakyan, depende sa kung saan siya mas madalas pumunta, at kung kailan. Magpapagawa rin ang Metrolinx ng mga bagong subway, at magtatatag din ito ng mas maraming linya at mas pinahabang mga linya ng Light Rail Transit (LRT). 

Pangunahing layunin ng Metrolinx na mabigyan ang customer ng mas madalas na biyahe ng pampublikong transportasyon na hindi nakadepende sa schedule, magkaroon ng transit network na mabilis  makakakonekta sa mga komunidad, at matiyak na makapaglilingkod ito sa Greater Golden Horseshoe sa pamamagitan ng mas mahusay, mas mabilis, at mas madaling pagbibiyahe, para puwede silang tumira, magtrabaho at maglibang saan mang panig ng rehiyon nila gusto.

Iisa ang palagiang tema sa harap ng mga layuning ito: ang pag-unlad. Bagama’t nakatutok ang Metrolinx sa pagsisigurado na matutugunan nito ang lumalaking pangangailangan ng populasyon pagdating ng at paglagpas ng 2030, hindi nito pinabayan na mahinto ang mga proyektong kailangan ng mga mamamayan ngayon. Kasama dito ang:

  • Pagpapalawak ng GO Transit para mas marami pa ang maserbisyuhan nito. Kasama dito ang pagtatayo ng bagong istasyon sa Bloomington at ang pagdaragdag ng biyahe kada oras, mula Union Station papuntang West Harbour Station sa Hamilton;
  • Pagbibigay-prayoridad sa apat na proyekto sa Toronto, kasama ang walang humpay na konstruksiyon sa Ontario Line, ang pagdaragdag ng Eglinton Crosstown West Extension at Yonge North Subway Extension, at kamakailan ang Scarborough Subway Extension; 
  • Planong pagpaparami ng mapagpipiliang rapid transit para sa mga komunidad. Sa kasalukuyan, sinisimulan na ang vehicle testing sa Eglinton Crosstown LRT, habang tuloy-tuloy na rin ang konstruksiyon sa mga linya ng Finch West at Hurontario LRT, at sa Bus Rapid Transit (BRT) sa Dundas at Durham;
  • Pagpapatayo ng sentralisadong transportation hub sa Union Station Bus Terminal, sa bagong Bay Concourse, at sa Kipling Transit Hub. Layunin nito ang mas maging madali ang pagsakay at paglipat ng sasakyan upang makarating ang mga pasahero sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
  • Pinag-ibayong serbisyo sa mga pasahero gaya ng paglalagay ng libreng Wi-Fi sa mga GO Train at mga bus nito, at paglalagay ng “contactless payment” sa PRESTO gamit ang credit card at mobile wallet para sa UP Express.

Nauunawaan ng Metrolinx na ang gamit ng transportasyon ay hindi lamang para matiyak na makakarating sa trabaho at makaka-uwi sa bahay ang mga pasahero. Alam ng ahensiya na gusto rin naman ng mga pasahero na magkaroon ng oras para gawin ang mga gusto nila — gaya ng pagbisita sa kanilang mga pamilya, panonood ng mga palabas, concert o sports events, at pamamasyal sa mga lugar na gaya ng Niagara Falls o sa waterfront ng Barrie — kaysa maubos ang kanilang panahon na nakatali lang sa traffic. Kaya naman binubuo ng Metrolinx ang isang sistema na tutugon sa mga nagbabagong pangangailangan ng mga  komunidad ngayon at sa hinaharap at makakatulong sa pagkilos ng buong rehiyon. 

Ani Metrolinx President at CEO Phil Verster,  “While we may see changes in when people travel, or how frequently, transit will always be a vital part of moving people around the region” (“Bagama’t makakakita tayo ng mga pagbabago sa kung paano nagbibiyahe ang mga tao o sa kung gaano ito kadalas, mananatili pa ring mahalagang bahagi ng kanilang pagkilos sa rehiyon ang transportasyon.” )

Dagdag pa niya, “What we are doing, in all of our plans, is creating capacity that is flexible enough to move people across the Greater Golden Horseshoe wherever they want to go, whenever they want to go.”  (“Ang ginagawa namin, sa lahat ng aming mga plano, ay ang paglikha ng mas malaking kapasidad na madaling magagamit para makapunta ang mga mamamayan ng Greater Golden Horseshoe sa kung saan man nila gustong pumunta, at kung kailan nila gustong pumunta dito.”)

Ayon sa Metrolinx, pinapalawak nito ang transportasyon sa buong rehiyon sa paraang patuloy itong mapakikinabangan ng mga susunod na henerasyon. 

Tunay ngang maliwanag ang hinaharap -kung saan tayong lahat can get on board. It’s happening.

 

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top