Rescuers search for bodies at the site of the landslide in Itogon. (Photo: Mark Z. Saludes)

First Update: 10:11 PM, Sept. 25, 2018

Philippines

 

“…Sila ang maniningil, silang maglulupa.”

 

(Editor’s note: )The recent landslides in Itogon, Cordillera in the Mountain Province and in my home province of Cebu at Tinaan, Naga City once again brings the problem of mining to the fore. This poem speaks to the heart. When President Rodrigo Duterte visited the survivors in Naga City, he did not speak about mining but instead ranted about the New People’s Army (NPA).

Paano huminga sa ilalim ng lupa?

By Mark Z. Saludes

September 23 at 10:45 AM

Buto lang ang ibinabaon sa lupa,
binhi lang ang itinatanim,
sapagkat ang mga ito lang ang tumutubo,
ang hihinga sa lupang nagsisibol ng puno.

Binhi lang ang tumutubo sa lupa,
hindi katawan ng tao.
Taong tinabunan ng nagraragasang lupa.
Lupang ginahasa ng mga gahaman at sakim.

Subukang ilibing ang humihinga sa ilalim,
hihinga kaya? Tutubo?
Subukang ibaon ang nabubuhay sa lupa,
sisibol kaya? Tatayo?

Hindi…
Pagkat buto at binhi lang ang itinatanim sa lupa.

Pagal na ang pala sa paghuhukay,
hindi ng mina…
hindi ng mineral…
Kundi ng pira-pirasong katawan.

Pagal na ang kamay sa paghuhukay,
hindi ng ginto,
o ng butil na ginagawang bakal.
Kundi ng mga pusong huminto na sa pagtibok.

At kapag may nagreklamo.
Kapag may nagsalita.
Kapag may dumaraing…
Babansagan mong subersibo.

Kapag may nagreklamo,
tatawagin mong rebelde…
NPA…
Komunista…

Ikaw?
Gusto mong ibaon sa lupa?
Magkapira-piraso?
Hindi ka tutubo… Wala kang tutubuin kung pakikinggan ang daing, ang reklamo.
Walang pera sa hustisya ng maralita.

Panalangin ko’y ibaon ka sa lupa.
Subalit hindi ka tutubo,
Dahil ibabaon ka sa lupang may bahid ng dugo.
Sila ang maniningil, silang maglulupa.

 

Mark Saludes is a writer at Union of Catholic Asian News, Visual Journalist at www.marksaludes.net and Visual Storyteller at Tokwa Collective.