By Cielo Fernando
July 15, 2021
Ang Buwan ng Wika ang pagdiriwang sa wikang Filipino na ginugunita taon-taon tuwing Agosto. Layon nitong pagtibayin, at maipalaganap ang kamalayan sa pagdiriwang at kahalagahan ng Wikang Filipino.
Alamin sa artikulong ito ang diwa at kasaysayan ng naturang selebrasyon.
Anong nilalaman ng blog na ito?
- Ano ang Buwan ng Wika: Diwa at Kasaysayan
- Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Filipino
- Tema ng Buwan ng Wika 2021
- Kailan Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika
- Frequently Asked Questions About Buwan ng Wika
Ano ang Buwan ng Wika: Diwa at Kasaysayan
Ang Buwan ng Wika ay ginugunita tuwing Agosto. Ito ay ginagawa upang alalahanin ang kasaysayan, kilalanin, panatilihin at paunlarin ang wikang Filipino. Ginagawa ito bilang pagsaludo at pagmamahal sa Pilipinas.
Sa mga susunod na talata ay malalaman natin ang development ng wika sa Pilipinas.
Noong 1935, panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon, nagsimula ang mithiing bumuo ng isang pambansang wika na siyang magbubuklod sa buong bansa. Dahil dito, iniatas sa Kongreso ang “magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” sa bisa ng Saligang Batas ng 1935.
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), “ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa ‘pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.’ Sa madali’t salita, Tagalog ang napili.”
Sa pamamagitan ng Batas Komonwelt Bilang 570, naiproklama ang wikang pambansang Pilipino na nagkabisa noong 1946. Upang maisaalang-alang ang iba pang mga katutubong wika, nagkaroon ulit ng development ng wika simula noong 1973, at ito ay makikilala bilang wikang Filipino. At sa bisa ng Saligang Batas ng 1987, opisyal na idineklara ang Filipino at Ingles bilang mga wikang pambansa.
Basahin: The Ultimate Guide to Learning the Different Languages in Philippines
Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Filipino
Bago pa magkaroon ng selebrasyon ng Buwan ng Wika in August, nagsimula ito sa Linggo ng Wika kung saan si Pangulong Sergio Osmeña ang unang nagdeklara ng pagdiriwang nito.
Mula 1946 hanggang 1954, ginugunita ang Linggo ng Wika tuwing March 7 hanggang April 2. Pinili ang April 2 dahil ito ang kaarawan ng Pilipinong manunulat at makata na si Francisco Balagtas. Dalawang beses iniusog ang petsa ng pagdiriwang sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ramon Magsaysay, ito ay: March 29 hanggang April 4 noong 1954, at August 13 noong 1955.
Ayon kay Magsaysay, kaya Agosto ito ipinagdiriwang ay dahil ang orihinal na Linggo ng Wika ay nagaganap tuwing bakasyon ng mga estudyante, kaya hindi naisasama ang mga paaralan sa pagdiriwang nito. Itinapat naman ang huling araw ng pagdiriwang sa kaarawan ni Pangulong Quezon na itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa.
Pero noong 1997, idineklara ni Pangulong Fidel Ramos na ang selebrasyon ng Wikang Filipino ay magaganap na sa buong buwan ng Agosto sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1041.
Tema ng Buwan ng Wika 2021
Ang tema ng Buwan ng Wikang Filipino 2021 ay “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”
Ayon sa KWF, “ang tema na ito ay pakikiisa ng Komisyon sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taon partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdamin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at iba pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang-diin nitó ang Pilipinong Identidad at halagahan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan.”
Kailan Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika
Ang Buwan ng Wika sa Pilipinas ay ipinagdiriwang sa buong buwan ng Agosto.
Frequently Asked Questions About Buwan ng Wika
Q: Sino si Francisco Balagtas?
A: Si Francisco Balagtas ay isa sa mga sikat at dakilang Pilipinong manunulat at makata. Siya ang may akda ng Florante at Laura.
Q: Bakit ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa Pilipinas?
A: Ipinagdiriwang ang buwan ng mga wika upang maipalaganap ang kamalayan sa pagdiriwang at kahalagahan ng Wikang Filipino. Batid nitong gunitain ang kasaysayan at paunalarin at panatilihin ang wikang Filipino.
Q: What is the Buwan ng Wika meaning?
A: The Buwan ng Wika meaning is National Language Month.
Q: When is the National Language Month in the Philippines?
A: Buwan ng Wika or National Language Month in the Philippines is celebrated in August.